“Hangga't may nakikinig sa panalangin
'Di mawawala ang pag-asa natin
Ikaw at ako, babangon tayo
Sama-sama, lahat ay susulong
Basta't tayo'y magtutulong-tulong
Lilipas din, matatapos din ang dilim”
-“Manalangin” by The Juans
Ang totoong pag-ibig ay hindi lang pagkapit kundi pagbitaw.
Mahirap bumitaw lalo kung may pangakong pinanghahawakan.
Mahirap ding kumapit kung sa pananatili, ika’y nasasaktan.
Pero sa bawat pagkapit at pagbitaw, lumalalim sa pag-unawa at tumatatag ang pusong nagmamahal.
Hindi lahat ng umaalis,
nang-iiwan o kaya’y tumatakas.
Kung minsan, ang pag-alis ay para unahin ang kapakanan ng naiwan.
Ang pag-alis ay ay hindi palaging pagkalimot o pagtalikod.
Kung minsan, tanda ito ng pagmamahal na nagtitiis ng pangungulila alang-alang sa minamahal.
Sa dami ng mga usapin sa Simbahan at pagtatalo-talo ng mga Katoliko,
Baka mas ikamatay ni Hesus ang KUNSUMISYON kaysa CRUCIFIXION.
Sana, umunawa muna bago magsalita.
Di perpekto ang Simbahan at ang mga bumubuo nito.
Lalo itong guguho kung Tayo mismo ang sisira nito.
Bilang mga Kristiyano, laging nariyan ang tukso na piliin lang ang nais nating paniwalaan, hindi ang katotohanan… Ang tanong ni Hesus ngayon, “ano ba talaga ang ibig ninyo? Ang buhay na ganap at kasiya-siya na dulot ko? O ang diskarte ng mundo kahit taliwas sa nais ko?”
Hindi ikinahiya ni Hesus na maging tulad natin sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Sana’y huwag din natin ikahiya ang pagsisikap na maging tulad Niya. Bakit nga ba mas ikinahihiya natin ang kabanalan kaysa kasalanan?
#BaptismOfTheLord#SaMadalingSabi
Closure ba talaga ang kailangan?
O sadyang pagtanggap lang sa katotohanan
Na ang kahapon ay hindi na mababalikan
Na kinakaya mo naman hanggang sa kasalukuyan
Tahan na, nakaraa’y huwag mo nang pag-aksayahan.
Hakbang na pa-kinabukasan!
Nagsimula kang wala siya, uusad kang mag-isa.
Sa mga kandidatong naghangad maglingkod sa bayan, tandaang walang nabigo sa taong sumubok lumaban.
At hindi natatapos sa eleksyon ang hangaring maglingkod sa bayan.
Nanalo man o hindi pinalad, mga ipinangako mo’y sikapin mo pa ring panindigan bilang pinuno o mamamayan!
Magmahal nang buo.
Dahil pagmamahal ang nagbubuo sa atin bilang tao. Ang magmahal nang buo ay hindi kabawasan kundi kaganapan. We were created to love and to love wholeheartedly is fulfilment. Kung suklian man ang pagmamahal, salamat. Pero hindi iyon ang pangunahing layunin.
May mas nakatatakot sa multo o maligno.
Mas nakatatakot ang “multo ng nakaraan” dahil sa mga kasalanang hindi pinanagutan o mga itinagong katotohanan.
Panatag man ang konsensya mo ngayon, haharapin mo rin ito pagdating ng panahon.
Tandaan mong, alam iyan ng Panginoon!
Baka kaya hindi ka masaya, lagi ka kasing nakatingin sa biyayang meron ang iba. Tandaan, hindi rin palaging masaya ang maraming biyaya pero siguradong masaya kapag marunong magpahalaga sa biyayang meron ka!
Kung sa palagay mo, may kasalanan o pagkakamali ‘yung tao, kausapin mo muna nang diretso. Hindi yung ibabalita mo agad sa ibang tao. Dahil baka hindi mo alam ang katotohanang buo. Dahil kung minsan, hindi naman talaga “mali s’ya”, ikaw lang ang may “malisya”.
Iginagawad ni Hesus ang kagalingan hindi lang para sa ginhawa ng katawan kundi upang ang Diyos at kapwa’y patuloy na mapaglingkuran. Samakatuwid, ang kanyang pagpapagaling ay hindi lang katuparan ng pansariling hangarin kundi para maganap ang isang banal na layunin!
Gulatin mo silang mga walang bilib sa Iyo. Wala silang bilib dahil akala nila hindi ka magbabago pero ang Diyos hindi nawalan ng bilib sa iyo dahil anak ka niyang totoo. Gulatin mo rin ang mga taong walang bilib sa iyo sa pagpapakita sa kanila kung paano ka binago ni Kristo!
Patungo tayong lahat sa libingan kaya dapat itong paghandaan. Hangarin natin, hindi lang humantong sa isang magandang libingan. Dahil ang dapat maalala at ipagdangal sa atin ay ang naging mabuting buhay, at hindi ang gusali sa ibabaw ng ating bulok na katawang wala nang buhay.
Tinatanong din tayo ni Hesus kung gaano ba natin Siya kakilala. Ang pagkakilala ba natin sa kanya’y tulad lang din ng iba? Paano natin Siya mamahalin kung hindi natin Siya lubos na kikilalanin? Tandaan: Ang pagkilala sa Kanya’y bunga ng pagsisikap at dulot ng biyaya!
Hadlang sa pagkilala natin sa Panginoon at paglalim ng ugnayan natin sa kanya ang pagpapanggap o ang pagtatago. Alam naman niya ang laman ng iyong puso. Kaya bakit maglilihim ka pa? Huwag matakot na mangusap sa kanya, maging tapat lang at sa kanya’y magtiwala.