“MULA -3, NGAYON -15” ; PBBM, NAKAPAGTALA NG MAKASAYSAYANG PAGBAGSAK SA PINAKAHULING SWS SURVEY - matapos umabot sa “poor” na -15 ang kanyang net satisfaction rating — ang pinakamababa niyang naitalang marka mula nang maging Pangulo.
Batay sa inilabas na Social Weather Stations (SWS) report nitong Mayo 26, 2026, 33% lamang ng adult Filipinos ang nagsabing sila ay satisfied sa performance ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang 49% naman ang dissatisfied at 18% ang undecided.
Ayon sa SWS:
“The resulting net satisfaction rating is -15 (% satisfied minus % dissatisfied), classified by SWS as poor.”
Mas mababa ito ng 12 puntos kumpara sa dating “neutral” na -3 noong Nobyembre 2025.
Nakasaad din mismo sa ulat na ang naturang marka ay:
“a new personal record-low that surpassed the previous low of poor -12 in March 2025.”
(“Isang bagong personal record-low na lumampas pa sa dating pinakamababang poor -12 noong March 2025.”)
Ayon sa survey, bumagsak ang net satisfaction rating ng Pangulo sa lahat ng pangunahing lugar sa bansa.
Pinakamataas pa rin ito sa Balance Luzon na may “neutral” na +2, ngunit nanatiling negatibo sa:
* Visayas: -15
* Metro Manila: -31
* Mindanao: -40
Ayon pa sa SWS:
“President Marcos’ net satisfaction rating falls in all areas.”
(“Bumagsak ang net satisfaction rating ni Pangulong Marcos sa lahat ng lugar sa bansa.”)
Kapansin-pansin din umano ang malaking pagbaba ng satisfaction rating sa ilang sektor, partikular sa mga edad 25 hanggang 34 anyos.
Batay sa report:
“Net satisfaction with President Marcos fell by 23 points from poor -17 to bad -40 among 25-34-year-olds.”
Maging sa hanay ng college graduates ay umabot sa “bad” na -37 ang satisfaction rating ng Pangulo mula sa dating -14.
Iniuugnay rin ng survey ang mababang ratings sa pananaw ng publiko tungkol sa kanilang kalidad ng buhay.
Lumabas sa survey na 50% ng adult Filipinos ang nagsabing mas lumala ang kanilang buhay sa nakalipas na 12 buwan.
Ayon sa report:
“The President’s net satisfaction rating was poor -26 among Losers.”
(“Umabot sa poor na -26 ang net satisfaction rating ng Pangulo sa hanay ng mga nagsabing lumala ang kanilang kalidad ng buhay.”)
Samantala, tinalakay rin sa survey ang usapin tungkol sa kalusugan ni Pangulong Marcos matapos ang mga ulat hinggil sa kanyang diverticulitis at pansamantalang pagliban sa opisina.
Batay sa resulta, 35% ang naniniwalang nasa mabuting kalagayan ang kalusugan ng Pangulo, 35% ang undecided, habang 30% naman ang hindi naniniwala.
Isinagawa ang nationwide survey mula March 24 hanggang 31, 2026 gamit ang face-to-face interviews sa 1,500 adult respondents sa buong bansa.
“VAT GANUN?”
Umani ng reaksyon online ang social media posts ni broadcaster at educator na si Dr. Carl E. Balita matapos niyang kuwestiyunin ang umano’y dagdag-pasanin ng mga consumer sa kanilang electricity bill, partikular ang tinatawag na “system loss” at 12% value-added tax (VAT) na ipinapataw dito.
Sa viraI post ni Balita, diretsahan niyang inihayag ang kanyang pagkadismaya sa sitwasyon kung saan umano’y ang ordinaryong mamamayan pa ang sumasalo sa gastos dulot ng ninanakaw na kuryente o illegal connections.
“Yung NINAKAW na kuryente, binabayaran natin as SYSTEM LOSS, tayo na nga ang sumalo sa NAKAWAN, na wala tayong ka-alam alam, MAY VAT (12%) pa, na NANAKAWIN din. VAT sa binayarang NINAKAW, para may NAKAWIN. Pilipinas, VAT ganun?” ani Balita.
Sa isa pa niyang post, pinuna rin niya ang kabuuang buwis na idinadagdag sa electricity bill na aniya’y sapat na upang ipambili ng makakain ng isang pamilyang Pilipino:
“Kunin nyo latest electricity bill at add lahat ng TAX na binabayaran mo (12% VAT sa generation, transmission, distribution, at systems loss). Tanong: magkano total? Ilang KILONG BIGAS NA SANA ITO PARA SA PAMILYA MO? Tapos, NANAKAWIN lang?”
Ang “system loss” ay bahagi ng electricity charges na ipinapasa sa consumers upang mabawi ang nawawalang kuryente sa transmission at distribution system. Kabilang dito ang technical losses gaya ng init sa linya ng kuryente, ngunit maaari ring kasama ang non-technical losses tulad ng illegal connections o “jumpers.”
Sa ilalim ng Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act, ilegal ang pagnanakaw ng kuryente. Gayunman, matagal nang usapin sa publiko kung makatarungan bang maipasa sa consumers ang bahagi ng gastos mula sa system losses, lalo na kung may kaugnayan ito sa power theft.
Muling sumiklab ang diskusyon online matapos igiit ni Balita na bukod sa system loss charge, may VAT pa umanong ipinapataw dito — bagay na para sa ilan ay dagdag pasanin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.